Tagalog 1905

Genesis

1

1Nang pasimula ay nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. 2At ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman; at ang Espiritu ng Dios ay sumasa ibabaw ng tubig. 3At sinabi ng Dios Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag. 4At nakita ng Dios ang liwanag na mabuti, at inihiwalay ng Dios ang liwanag sa kadiliman. 5At tinawag ng Dios ang liwanag na Araw, at tinawag niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw. 6At sinabi ng Dios, Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig. 7At ginawa ng Dios ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon. 8At tinawag ng Dios ang kalawakan na Langit. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalawang araw. 9At sinabi ng Dios, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan, at nagkagayon. 10At tinawag ng Dios ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag niyang mga Dagat: at nakita ng Dios na mabuti. 11At sinabi ng Dios, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon. 12At ang lupa ay sinibulan ng damo, pananim na nagkakabinhi, ayon sa kaniyang pagkapananim, at ng punong kahoy na namumunga, na taglay ang kaniyang binhi, ayon sa kaniyang pagkakahoy, at nakita ng Dios na mabuti. 13At nagkahapon at nagkaumaga ang ikatlong araw. 14At sinabi ng Dios, Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: 15At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa: at nagkagayon. 16At nilikha ng Dios ang dalawang malaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang magpuno sa araw, at ang maliit na tanglaw ay upang magpuno sa gabi: nilikha rin niya ang mga bituin. 17At mga inilagay ng Dios sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa, 18At upang magpuno sa araw at sa gabi, at upang maghiwalay ng liwanag sa kadiliman: at nakita ng Dios na mabuti. 19At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaapat na araw. 20At sinabi ng Dios, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. 21At nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa't may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kanikaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti. 22At mga binasbasan ng Dios, na sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa. 23At nagkahapon at nagkaumaga ang ikalimang araw. 24At sinabi ng Dios, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri: at nagkagayon. 25At nilikha ng Dios ang ganid sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti. 26At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa. 27At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae. 28At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin; at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawa't hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa. 29At sinabi ng Dios, Narito, ibinigay ko sa inyo ang bawa't pananim na nagkakabinhi, na nasa ibabaw ng balat ng lupa, at ang bawa't punong kahoy na may bunga ng punong kahoy na nagkakabinhi; sa inyo'y magiging pagkain: 30At sa bawa't hayop sa lupa, at sa bawa't ibon sa himpapawid; at sa bawa't nagsisiusad sa ibabaw ng lupa na may buhay ay ibinigay ko ang lahat na pananim na sariwa na pinakapagkain; at nagkagayon. 31At nakita ng Dios ang lahat ng kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti. At nagkahapon at nagkaumaga ang ikaanim na araw.