Tagalog 1905

Exodus

1

1Ito nga ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na nagsipasok sa Egipto: (bawa't lalake at ang kani-kaniyang sangbahayan ay sumama kay Jacob.) 2Si Ruben, si Simeon, si Levi, at si Juda; 3Si Issachar, si Zabulon at si Benjamin; 4Si Dan at si Nephtali, si Gad at si Aser. 5At lahat ng tao na lumabas sa balakang ni Jacob ay pitong pung tao: at si Jose ay nasa Egipto na. 6At namatay si Jose, at ang lahat niyang kapatid at ang buong lahing yaon. 7At ang mga anak ni Israel ay lumago, at kumapal na maigi at dumami, at naging totoong makapangyarihan; at ang lupain ay napuno nila. 8May bumangon ngang isang bagong hari sa Egipto, na hindi kilala si Jose. 9At sinabi niya sa kaniyang bayan, Narito, ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit at lalong malakas kay sa atin: 10Hayo't tayo'y magpakadunong sa kanila; baka sila'y dumami, at mangyari, na, pagka nagkadigma, ay makisanib pati sila sa ating mga kaaway, at lumaban sa atin, at magsilayas sa lupain. 11Kaya't nangaglagay sila ng mga tagapagpaatag, upang dalamhatiin sila sa atang sa kanila. At kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga bayan na kamaligan, na dili iba't ang Phithom at Raamses. 12Datapuwa't habang dinadalamhati nila sila, ay lalong dumadami at lalong kumakapal. At kinapootan nila ang mga anak ni Israel. 13At pinapaglingkod na may kabagsikan ng mga Egipcio ang mga anak ni Israel: 14At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa argamasa at sa laryo, at sa lahat ng sarisaring paglilingkod sa bukid, at sa lahat ng paglilingkod nila na ipinapaglingkod sa kanila, na may kabagsikan. 15At ang hari sa Egipto ay nagsalita sa mga hilot na Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Siphra, at ang pangalan ng isa ay Phua: 16At kaniyang sinabi, Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea, at pagtingin ninyo sa kanila sa dakong panganganakan; kung lalake, ay papatayin nga ninyo: datapuwa't kung babae ay inyong bubuhayin. 17Datapuwa't ang mga hilot ay nangatakot sa Dios at hindi ginawa ang gaya ng iniutos sa kanila ng hari sa Egipto, kundi iniligtas na buhay ang mga batang lalake. 18At ipinatawag ng hari sa Egipto ang mga hilot, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito, at inyong iniligtas na buhay ang mga batang lalake? 19At sinabi ng mga hilot kay Faraon, Sapagka't ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Egipcia; sapagka't sila'y maliliksi, at nakapanganak na, bago dumating ang hilot sa kanila. 20At ang Dios ay gumawa ng mabuti sa mga hilot: at ang bayan ay kumapal, at naging totoong makapangyarihan. 21At nangyari, na sapagka't ang mga hilot ay natakot sa Dios, ay iginawa niya sila ng mga sangbahayan. 22At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawa't lalake na ipanganak, at bawa't babae ay ililigtas ninyong buhay.