Tagalog 1905

Exodus

20

1At sinalita ng Dios ang lahat ng salitang ito, na sinasabi, 2Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin. 3Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko. 4Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: 5Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin; 6At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos. 7Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan. 8Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin. 9Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain. 10Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang daan: 11Sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; na ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal. 12Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios. 13Huwag kang papatay. 14Huwag kang mangangalunya. 15Huwag kang magnanakaw. 16Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa. 17Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalake o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa. 18At nakikita ng buong bayan ang mga kulog, at ang mga kidlat, at ang tunog ng pakakak at ang bundok na umuusok: at nang makita ng bayan, ay nanginig sila, at tumayo sa malayo. 19At sinabi nila kay Moises, Magsalita ka sa amin, at aming didinggin: datapuwa't huwag magsalita ang Dios sa amin, baka kami ay mamatay. 20At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot: sapagka't ang Dios ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kaniya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala. 21At ang bayan ay tumayo sa malayo, at si Moises ay lumapit sa salimuot na kadiliman na kinaroroonan ng Dios. 22At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ganito mo sasabihin sa mga anak ni Israel: Kayo ang nakakita na ako'y nakipagusap sa inyo mula sa langit. 23Huwag kayong gagawa ng ibang mga dios na iaagapay sa akin; ng mga dios na pilak, o ng mga dios na ginto, huwag kayong gagawa para sa inyo. 24Isang dambanang lupa ang inyong gagawin sa akin, at inyong ihahain doon ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan, ang inyong mga tupa, at ang inyong mga baka sa lahat ng dakong aking ipaaalaala ang aking pangalan, ay paparoonan kita at pagpapalain kita. 25At kung igagawa mo ako ng isang dambanang bato, ay huwag mong itatayong may tapyas: sapagka't kung iyong gamitin ang iyong patalim doon, ay iyong nilapastangan yaon. 26Ni huwag kang sasampa sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang inyong kahubaran ay huwag malitaw sa ibabaw niyaon.