Tagalog 1905

Genesis

17

1At nang si Abram ay may siyam na pu't siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram, at sa kaniya'y nagsabi, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat lumakad ka sa harapan ko, at magpakasakdal ka. 2At ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking pararamihing mainam. 3At nagpatirapa si Abram: at ang Dios ay nakipagusap sa kaniya, na sinasabi, 4Tungkol sa akin, narito, ang aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. 5At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagka't ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa. 6At ikaw ay aking gagawing totoong palaanakin at papanggagalingin ko sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari. 7At aking papagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako'y magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo. 8At ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi, pagkamatay mo, ang lupaing iyong mga pinaglakbayan, ang buong lupain ng Canaan, na pag-aaring walang hanggan at ako ang magiging Dios nila. 9At sinabi pa ng Dios kay Abraham, At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, iingatan mo at ng iyong binhi pagkamatay mo, sa buong kalahian nila. 10Ito ang aking tipan na inyong iingatan sa akin at sa inyo, at ng iyong binhi, pagkamatay mo; tutuliin ang bawa't lalake sa inyo. 11At kayo'y tutuliin sa laman ng inyong balat ng masama; at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo. 12At ang may walong araw ay tutuliin sa inyo, ang bawa't lalake sa buong kalahian ninyo; ang ipinanganak sa bahay, o ang binili ng salapi sa sinomang taga ibang lupa na hindi sa iyong lahi. 13Ang ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi, ay dapat tuliin: at ang aking tipan ay sasa iyong laman na pinakatipang walang hanggan. 14At ang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang laman ng kaniyang balat ng masama, ang taong yaon ay mahihiwalay sa kaniyang bayan; sinira niya ang aking tipan. 15At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kaniyang pangalan. 16At akin siyang pagpapalain, at saka sa kaniya'y bibigyan kita ng anak: oo, siya'y aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya. 17Nang magkagayo'y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kaniyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taon na? at manganak pa kaya si Sara na may siyam na pung taon na? 18At sinabi ni Abraham sa Dios, Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan mo! 19At sinabi ng Dios, Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniya ng pinakatipang walang hanggan, sa kaniyang lahi pagkamatay niya. 20At tungkol kay Ismael, ay dininig din kita. Narito't aking pinagpala siya, at siya'y aking papagaanakin ng marami, at siya'y aking pararamihin ng di kawasa; labing dalawang prinsipe ang kaniyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa. 21Nguni't ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating. 22At nang matapos na makipagusap sa kaniya, ay napaitaas ang Dios mula sa piling ni Abraham. 23At ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kaniyang anak, at ang lahat na ipinanganak sa kaniyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kaniyang salapi, ang lahat ng lalake sa mga lalaking kasangbahay ni Abraham, at tinuli ang laman ng kanilang balat ng masama ng araw ding yaon, ayon sa sinabi ng Dios sa kaniya. 24At si Abraham ay may siyam na pu't siyam na taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. 25At si Ismael ay may labing tatlong taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama. 26Nang araw ding yaon tinuli si Abraham, at si Ismael na kaniyang anak. 27At lahat ng lalaking kasangbahay niya, maging ang mga ipinanganak sa bahay, at ang mga binili ng salapi sa taga ibang lupain, ay pinagtuling kasama niya.