Tagalog 1905

Genesis

25

1At si Abraham ay nagasawa ng iba, at ang pangalan ay Cetura. 2At naging anak nito sa kaniya si Zimram at si Joksan, at si Medan, at si Midiam, at si Ishbak, at si Sua. 3At naging anak ni Joksan si Seba at si Dedan. At ang mga anak na lalake ni Dedan, ay si Assurim at si Letusim, at si Leummim. 4At ang mga anak ni Midian: si Epha at si Epher, at si Enech, at si Abida, at si Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Cetura. 5At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kaniyang tinatangkilik kay Isaac. 6Datapuwa't ang mga anak ng naging mga babae ni Abraham, ay pinagbibigyan ni Abraham ng mga kaloob; at samantalang nabubuhay pa siya ay mga inilayo niya kay Isaac na kaniyang anak sa dakong silanganan sa lupaing silanganan. 7At ito ang mga araw ng mga taon ng buhay na ikinabuhay ni Abraham, isang daan at pitong pu't limang taon. 8At nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at nalakip sa kaniyang bayan. 9At inilibing siya ni Isaac at ni Ismael na kaniyang mga anak sa yungib ng Macpela, sa parang ni Ephron, na anak ni Zohar na Hetheo, na nasa tapat ng Mamre; 10Sa parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Heth: doon inilibing si Abraham at si Sara na kaniyang asawa. 11At nangyari, pagkamatay ni Abraham, na pinagpala ng Dios si Isaac na kaniyang anak; at si Isaac ay nanahan sa tabi ng Beer-lahai-roi. 12Ang mga ito nga ang sali't saling lahi ni Ismael, anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Agar na taga Egipto, na alila ni Sara: 13At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa kanikaniyang lahi: ang panganay ni Ismael ay si Nabaioth; at si Cedar, at si Adbeel, at si Mibsam, 14At si Misma, at si Duma, at si Maasa, 15At si Hadad, at si Tema, si Jetur, si Naphis, at si Cedema: 16Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanikaniyang pangalan, ayon sa kanikaniyang nayon, at ayon sa kanikaniyang hantungan: labing dalawang pangulo ayon sa kanilang bansa. 17At ito ang mga naging taon ng buhay ni Ismael, isang daan at tatlong pu't pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya'y nalakip sa kaniyang bayan. 18At nagsisitahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na natatapat sa Egipto, kung patutungo sa Asiria; siya'y tumahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid. 19At ito ang mga sali't saling lahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac, 20At si Isaac ay may apat na pung taon, nang siya'y magasawa kay Rebeca, na anak ni Bethuel na taga Siria sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na taga Siria. 21At nanalangin si Isaac sa Panginoon dahil sa kaniyang asawa, sapagka't baog; at nadalanginan niya ang Panginoon, at si Rebeca na kaniyang asawa ay naglihi. 22At nagbubuno ang mga bata sa loob niya; at kaniyang sinabi, Kung ganito'y bakit nabubuhay pa ako? At siya'y yumaong nagsiyasat sa Panginoon. 23At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Dalawang bansa ay nasa iyong bahay-bata, At dalawang bayan ay papaghihiwalayin mula sa iyong tiyan: At ang isang bayan ay magiging malakas kaysa isang bayan; At ang matanda ay maglilingkod sa bata. 24At nang matupad ang mga araw ng kaniyang kapanganakan, narito't kambal sa kaniyang bahay-bata. 25At ang unang lumabas ay mapula na buong katawa'y parang mabalahibong damit; at siya'y pinanganlang Esau. 26At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, at ang kaniyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; at ipinangalan sa kaniya ay Jacob: at si Isaac ay may anim na pung taon na, nang sila'y ipanganak ni Rebeca. 27At nagsilaki ang mga bata; at si Esau ay naging maliksi sa pangangaso, lalake sa parang; at si Jacob ay lalaking tahimik, na tumatahan sa mga tolda. 28Minamahal nga ni Isaac si Esau, sapagka't kumakain ng kaniyang pinangangasuhan: at minamahal ni Rebeca si Jacob. 29At nagluto si Jacob ng lutuin: at dumating si Esau na galing sa parang, at siya'y nanglalambot: 30At sinabi ni Esau kay Jacob, Ipinamamanhik ko sa iyo na pakanin mo ako niyaong mapulang lutuin; sapagka't ako'y nanglalambot: kaya't tinawag ang pangalan niya na Edom. 31At sinabi ni Jacob, Ipagbili mo muna sa akin ang iyong pagkapanganay. 32At sinabi ni Esau, Narito, ako'y namamatay: at saan ko mapapakinabangan ang pagkapanganay? 33At sinabi ni Jacob, Isumpa mo muna sa akin; at isinumpa niya sa kaniya: at kaniyang ipinagbili ang kaniyang pagkapanganay kay Jacob. 34At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilutong lentehas; at siya'y kumain, at uminom, at bumangon at yumaon: gayon niwalang halaga ni Esau ang kaniyang pagkapanganay.