Tagalog 1905

Genesis

29

1Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob ng kaniyang paglalakbay, at napasa lupain ng mga anak ng silanganan. 2At siya'y tumingin, at nakakita ng isang balon sa parang, at narito, may tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon: sapagka't sa balong yaon pinaiinom ang mga kawan: at ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay malaki. 3At doon nagkakatipon ang lahat ng kawan: at kanilang iginugulong ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa ibabaw ng labi ng balon, sa dako niyaon. 4At sinabi sa kanila ni Jacob, Mga kapatid ko, taga saan kayo? At kanilang sinabi, Taga Haran kami. 5At sinabi niya sa kanila, Nakikilala ba ninyo si Laban na anak ni Nachor? At kanilang sinabi, Nakikilala namin siya. 6At sinabi niya sa kanila, Siya ba'y mabuti? At, kanilang sinabi, Siya'y mabuti: at, narito, si Raquel na kaniyang anak ay dumarating na dala ang mga tupa. 7At sinabi niya, Narito, maaga pa, ni hindi oras tipunin ang mga hayop: painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pasabsabin. 8At kanilang sinabi, Hindi namin magagawa hanggang sa magkatipon ang lahat ng kawan, at igugulong ang bato mula sa labi ng balon; gayon nga aming pinaiinom ang mga tupa. 9Samantalang nakikipagusap pa siya sa kanila, ay dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kaniyang ama; sapagka't siya ang nagaalaga ng mga iyon. 10At nangyari, nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, na lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina. 11At hinagkan ni Jacob si Raquel; at humiyaw ng malakas at umiyak. 12At kay Raquel ay sinaysay ni Jacob na siya'y kapatid ni Laban, na kaniyang ama, at anak siya ni Rebeca: at siya'y tumakbo at isinaysay sa kaniyang ama. 13At nangyari, nang marinig ni Laban ang mga balita tungkol kay Jacob, na anak ng kaniyang kapatid, ay tumakbo siya na kaniyang sinalubong, at kaniyang niyakap at kaniyang hinagkan, at kaniyang dinala sa kaniyang bahay. At isinaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito. 14At sinabi sa kaniya ni Laban, Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman. At dumoon sa kaniyang isang buwan. 15At sinabi ni Laban kay Jacob, Sapagka't ikaw ay aking kapatid ay nararapat ka bang maglingkod sa akin ng walang bayad? sabihin mo sa akin kung ano ang magiging kaupahan mo. 16At may dalawang anak na babae si Laban: ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang pangalan ng bunso ay Raquel. 17At ang mga mata ni Lea ay mapupungay; datapuwa't si Raquel ay maganda at kahalihalina. 18At sininta ni Jacob si Raquel; at kaniyang sinabi, Paglilingkuran kitang pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso. 19At sinabi ni Laban, Magaling ang ibigay ko siya sa iyo, kay sa ibigay ko sa iba: matira ka sa akin. 20At naglingkod si Jacob dahil kay Raquel, na pitong taon; at sa kaniya'y naging parang ilang araw, dahil sa pagibig na taglay niya sa kaniya. 21At sinabi ni Jacob kay Laban, Ibigay mo sa akin ang aking asawa, sapagka't naganap na ang aking mga araw upang ako'y sumiping sa kaniya. 22At pinisan ni Laban ang lahat ng tao roon at siya'y gumawa ng isang piging. 23At nangyari nang kinagabihan, na kaniyang kinuha si Lea na kaniyang anak at dinala niya kay Jacob, at siya'y sumiping sa kaniya. 24At sa kaniyang anak na kay Lea ay ibinigay na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Zilpa. 25At nangyari, na sa kinaumagahan, narito't si Lea: at kaniyang sinabi kay Laban: Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba kita pinaglingkuran dahil kay Raquel? Bakit mo nga ako dinaya? 26At sinabi ni Laban, Hindi ginagawa ang ganyan dito sa aming dako, na ibinibigay ang bunso, bago ang panganay. 27Tapusin mo ang kaniyang sanglingo, at ibibigay rin naman namin sa iyo ang isa, dahil sa paglilingkod na gagawin mong pitong taon pa, sa akin. 28At gayon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang sanglingo nito, at ibinigay ni Laban sa kaniya si Raquel na kaniyang anak na maging asawa niya. 29At sa kaniyang anak na kay Raquel ay ibinigay ni Laban na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Bilha. 30At sumiping din naman si Jacob kay Raquel, at kaniya namang inibig si Raquel ng higit kay Lea, at naglingkod siya kay Laban na pitong taon pa. 31At nakita ng Panginoon na si Lea ay kinapopootan niya, at binuksan ang kaniyang bahay-bata; datapuwa't si Raquel ay baog. 32At naglihi si Lea, at nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Ruben; sapagka't kaniyang sinabi, Sapagka't nilingap ng Panginoon ang aking kapighatian; dahil sa ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa. 33At naglihi uli, at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Sapagka't narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan ay ibinigay rin naman sa akin ito: at pinanganlan niyang Simeon. 34At naglihi uli at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Ngayo'y masasama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalake: kaya't pinanganlan niyang Levi. 35At muling naglihi at nanganak ng isang lalake, at nagsabi, Ngayo'y aking pupurihin ang Panginoon: kaya't pinanganlang Juda; at hindi na nanganak.