Tagalog 1905

Genesis

31

1At narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsisipagsabi, Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama; at doon sa mga sa ating ama ay tinamo niya ang buong karangalang ito. 2At minasdan ni Jacob ang mukha ni Laban, at narito't hindi sumasa kaniyang gaya ng dati. 3At sinabi ng Panginoon kay Jacob, Magbalik ka sa lupain ng iyong mga magulang, at sa iyong kamaganakan; at ako'y sasaiyo. 4At si Jacob ay nagsugo at tinawag si Raquel at si Lea sa bukid, sa kaniyang kawan, 5At sinabi sa kanila, Nakikita ko ang mukha ng inyong ama, na hindi sumasaakin na gaya ng dati; datapuwa't ang Dios ng aking ama ay sumaakin. 6At nalalaman ninyo, na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama. 7At dinaya ako ng inyong ama, at binagong makasangpu ang aking kaupahan; datapuwa't hindi pinahintulutan siya ng Dios, na gawan ako ng masama. 8Kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may batik ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik: at kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may guhit ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo'y ang lahat ng kawan ay manganganak ng mga may guhit. 9Ganito inalis ng Dios ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin. 10At nangyari, na sa panahong ang kawan ay naglilihi, ay itiningin ko ang aking mga mata, at nakita ko sa panaginip, at narito, ang mga kambing na lalake na nakatakip sa kawan ay mga may guhit, may batik at may dungis. 11At sinabi sa akin ng anghel ng Dios, sa panaginip, Jacob: at sinabi ko, Narito ako. 12At kaniyang sinabi, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, tingnan mo na ang lahat ng kambing na natatakip sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis: sapagka't aking nakita ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban. 13Ako ang Dios ng Betel, na doon mo pinahiran ng langis ang batong pinakaalaala, at doon ka gumawa ng panata sa akin: ngayo'y tumindig ka, umalis ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupaing pinanganakan sa iyo. 14At nagsisagot si Raquel at si Lea, at sa kaniya'y sinabi, Mayroon pa ba kaming natitirang bahagi o mana sa bahay ng aming ama? 15Hindi ba inaari niya kaming taga ibang bayan? sapagka't ipinagbili niya kami at kaniyang lubos nang kinain ang aming halaga. 16Sapagka't ang buong kayamanang inalis ng Dios sa aming ama, ay amin yaon at sa aming mga anak: ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Dios. 17Nang magkagayo'y tumindig si Jacob, at pinasakay sa mga kamello ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga asawa; 18At dinala ang kaniyang lahat na hayop, at ang kaniyang buong pag-aaring tinipon, ang hayop na kaniyang napakinabang, na kaniyang tinipon, sa Padan-aram, upang pumaroon kay Isaac na kaniyang ama, sa lupain ng Canaan. 19Si Laban nga ay yumaon upang gupitan ang kaniyang mga tupa: at ninakaw ni Raquel ang mga larawang tinatangkilik ng kaniyang ama. 20At tumanan si Jacob na di nalalaman ni Laban na taga Siria, sa di niya pagbibigay alam na siya'y tumakas. 21Ganito tumakas si Jacob sangpu ng buong kaniya; at bumangon at tumawid sa ilog Eufrates, at siya'y tumungo sa bundok ng Gilead. 22At binalitaan si Laban sa ikatlong araw, na tumakas si Jacob. 23At ipinagsama niya ang kaniyang mga kapatid, at hinabol niyang pitong araw; at kaniyang inabutan sa bundok ng Gilead. 24At naparoon ang Dios kay Laban na taga Siria, sa panaginip sa gabi, at sa kaniya'y sinabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man, 25At inabutan ni Laban si Jacob, At naitirik na ni Jacob ang kaniyang tolda sa bundok; at si Laban sangpu ng kaniyang mga kapatid ay nagtirik din sa bundok ng Gilead. 26At sinabi ni Laban kay Jacob, Anong ginawa mo na tumanan ka ng di ko nalalaman, at dinala mo ang aking mga anak na parang mangabihag sa tabak? 27Bakit ka tumakas ng lihim, at tumanan ka sa akin; at hindi mo ipinaalam sa akin, upang ikaw ay napagpaalam kong may sayahan at may awitan, may tambol at may alpa; 28At hindi mo man lamang ipinahintulot sa aking humalik sa aking mga anak na lalake at babae? Ngayon nga'y gumawa ka ng kamangmangan. 29Nasa kapangyarihan ng aking kamay ang gawan ko kayo ng masama: nguni't ang Dios ng inyong ama ay kinausap ako kagabi, na sinasabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man. 30At ngayon, bagaman iyong inibig yumaon, sapagka't pinagmimithian mong datnin ang bahay ng iyong ama ay bakit mo ninakaw ang aking mga dios? 31At sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Sapagka't ako'y natakot: sapagka't sinabi kong baka mo alising sapilitan sa akin ang iyong mga anak. 32Kaya kung kanino mo masumpungan ang iyong mga dios, ay huwag mabuhay: sa harap ng ating mga kapatid ay iyong kilalanin kung anong mayroon akong iyo, at dalhin mo sa iyo. Sapagka't hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw. 33At pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, at sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang alilang babae, datapuwa't hindi niya nasumpungan; at lumabas sa tolda ni Lea, at pumasok sa tolda ni Raquel. 34Nakuha nga ni Raquel ang mga larawan, at naisiksik sa mga daladalahan ng kamello at kaniyang inupuan. At inapuhap ni Laban ang buong palibot ng tolda, nguni't hindi niya nasumpungan. 35At sinabi niya sa kaniyang ama, Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatindig sa harap mo; sapagka't ako'y mayroon ng kaugalian ng mga babae. At kaniyang hinanap, datapuwa't hindi masumpungan ang mga larawan. 36At naginit si Jacob at nakipagtalo kay Laban, at sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Ano ang aking sinalangsang at ang aking kasalanan, upang ako'y habulin mong may pagiinit? 37Yamang inapuhap mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong nasumpungan mong kasangkapan, ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harap ng aking mga kapatid at ng iyong mga kapatid, upang hatulan nila tayong dalawa. 38Ako'y natira sa iyo nitong dalawang pung taon: ang iyong mga babaing tupa, at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nawalan ng kanilang mga anak, at ang mga tupang lalake ng iyong kawan ay hindi ko kinain. 39Ang nilapa ng mga ganid ay hindi ko dinala sa iyo; ako ang nagbata ng kawalan; sa aking kamay mo hiningi, maging nanakaw sa araw, o nanakaw sa gabi. 40Ganito nakaraan ako; sa araw ay pinupugnaw ako ng init, at ng lamig sa gabi; at ang pagaantok ay tumatakas sa aking mga mata. 41Nitong dalawang pung taon ay natira ako sa iyong bahay; pinaglingkuran kitang labing apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan: at binago mo ang aking kaupahan na makasangpu. 42Kung hindi sumaakin ang Dios ng aking ama, ang Dios ni Abraham, at ang Katakutan ni Isaac, ay walang pagsalang palalayasin mo ako ngayong walang dala. Nakita ng Dios ang aking kapighatian, ang kapaguran ng aking mga kamay, at sinaway ka niya kagabi. 43At sumagot si Laban at sinabi kay Jacob, Ang mga anak na babaing ito, ay aking mga anak at itong mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay mga kawan ko, at ang lahat ng iyong nakikita ay akin: at anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila? 44At ngayo'y halika, gumawa tayo ng isang tipan, ako't ikaw na maging patotoo sa akin at sa iyo. 45At kumuha si Jacob ng isang bato, at itinindig na pinakaalaala. 46At sinabi ni Jacob sa kaniyang mga kapatid, Manguha kayo ng mga bato; at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton: at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton. 47At pinanganlan ni Laban na Jegarsahadutha, datapuwa't pinanganlan ni Jacob na Galaad. 48At sinabi ni Laban, Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon. Kaya't ang pangalan niya'y tinawag na Galaad; 49At Mizpa sapagka't kaniyang sinabi, Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, pag nagkakahiwalay tayo. 50Kung pahirapan mo ang aking mga anak, o kung magasawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, ay wala tayong ibang kasama; tingnan mo, ang Dios ay saksi sa akin at sa iyo. 51At sinabi ni Laban kay Jacob, Narito, ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito, na aking inilagay sa gitna natin. 52Maging saksi ang buntong ito, at saksi ang batong ito, na hindi ko lalagpasan ang buntong ito sa dako mo, at hindi mo lalagpasan ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito sa pagpapahamak sa amin. 53Ang Dios ni Abraham at ang Dios ni Nachor, ang Dios ng ama nila ay siyang humatol sa atin. At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Katakutan ng kaniyang amang si Isaac. 54At naghandog si Jacob ng hain sa bundok, at tinawag ang kaniyang mga kapatid upang magsikain ng tinapay: at sila'y nagsikain ng tinapay, at sila'y nagparaan ng buong gabi sa bundok. 55At bumangong maaga sa kinaumagahan si Laban, at hinagkan ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at pinagbabasbasan: at yumaon at umuwi si Laban.