Tagalog 1905

Genesis

48

1At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na sinabi ng isa kay Jose, Narito, ang iyong ama ay may sakit: at kaniyang ipinagsama ang kaniyang dalawang anak, si Manases at si Ephraim. 2At may nagsaysay kay Jacob, at nagsabi, Narito, pinaparituhan ka ng anak mong si Jose: at si Israel ay nagpakalakas at umupo sa higaan. 3At sinabi ni Jacob kay Jose, Ang Dios na Makapangyarihan sa lahat ay napakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako. 4At sinabi sa akin, Narito, palalaguin kita, at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at aking ibibigay ang lupaing ito sa iyong lahi pagkamatay mo, na pinakaari magpakailan man. 5At ang iyo ngang dalawang anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Egipto bago ako naparito sa iyo sa Egipto, ay akin; si Ephraim at si Manases, gaya ni Ruben at ni Simeon ay magiging akin. 6At ang iyong mga anak, na iyong mga naging anak na sumunod sa kanila ay magiging iyo; sila'y tatawagin ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana. 7At tungkol sa akin, nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa akin sa lupain ng Canaan sa daan, nang kulang pa ng kaunti upang dumating sa Ephrata: at aking inilibing siya roon sa daan ng Ephrata (na siya ring Bethlehem). 8At nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, at sinabi, Sino sino ito? 9At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Sila'y aking mga anak, na silang mga ibinigay ng Dios sa akin dito. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na iyong dalhin sila rito sa akin, at sila'y aking babasbasan. 10Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, na ano pa't hindi na siya makakita. At kaniyang inilapit sila sa kaniya; at sila'y kaniyang hinagkan, at niyakap. 11At sinabi ni Israel kay Jose, Hindi ko akalaing makita ang iyong mukha: at, narito, ipinakita sa akin ng Dios pati ng iyong binhi. 12At sila'y pinagkuha ni Jose sa pagitan ng kaniyang mga tuhod; at siya'y nagpatirapa sa lupa. 13At kapuwa dinala ni Jose, si Ephraim sa kaniyang kanang kamay, sa dakong kaliwang kamay ni Israel, at si Manases sa kaniyang kaliwang kamay, sa dakong kanang kamay ni Israel, at inilapit niya sa kaniya. 14At iniunat ni Israel ang kaniyang kanang kamay, at ipinatong sa ulo ni Ephraim, na siyang bunso, at ang kaniyang kaliwang kamay ay sa ulo ni Manases, na pinapatnubayang sadya ang kaniyang mga kamay; sapagka't si Manases ang panganay. 15At kaniyang binasbasan si Jose, at sinabi, Ang Dios na sa harap niya ay lumakad ang aking mga magulang na si Abraham at si Isaac, ang Dios na nagpakain sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito, 16Ang anghel na tumubos sa akin sa buong kasamaan, ay siya nawang magpala sa mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na si Abraham at si Isaac; at magsidami nawa silang totoo sa ibabaw ng lupa. 17At nang makita ni Jose na ipinatong ng kaniyang ama ang kaniyang kanang kamay sa ulo ni Ephraim, ay minasama niya; at itinaas niya ang kamay ng kaniyang ama, upang ilipat sa ulo ni Manases mula sa ulo ni Ephraim. 18At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Hindi ganyan, ama ko: sapagka't ito ang panganay; ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kaniyang ulo. 19At tumanggi ang kaniyang ama, at sinabi, Talastas ko, anak ko, talastas ko; siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila: gayon ma'y ang kaniyang kapatid na bata ay magiging lalong dakila kay sa kaniya, at ang kaniyang binhi ay magiging isang makapal na bansa. 20At kaniyang binasbasan sila ng araw na yaon, na sinasabi Sa iyo magbabasbas ang Israel, na magsasabi, Gawin ka nawa ng Dios na gaya ni Ephraim at gaya ni Manases, at kaniyang ipinagpauna si Ephraim bago si Manases. 21At sinabi ni Israel kay Jose, Narito, ako'y namamatay: nguni't ang Dios ay sasainyo, at dadalhin kayo uli sa lupain ng inyong mga magulang. 22Bukod dito'y binigyan kita ng isang bahaging higit kay sa iyong mga kapatid, na aking kinuha ng aking tabak at ng aking busog sa kamay ng Amorrheo.